Affordable Gifts According to Love Language

Sa araw ng mga puso, tiyak na uso na naman ang mga sweet na pang-regalo para sa mga nagliligawan, magkasintahan at mag-asawa. O ‘di ba, mapapa-sana all ka.

Tiyak na marami ang nag-iisip ng paraan kung paano magiging espesyal ang pagdiriwang ng Valentine’s Day; at isa sa mga nakagawian na natin ay magbigay ng regalo na makakapagpaalala sa isa’t isa. May mga couple na gumagastos nang sobra para maiparamdam ang kanilang pag-ibig. Pero paano kung sabihin namin sa inyo na hindi kailangang gumastos nang sobra para mapasaya ang iyong minamahal?

Yes, mga ka-Tala! Ang unang dapat nating malaman ay kung ano ba ang love language ng ating partner. At alinsunod sa love language nila, ibabagay natin ang ating regalo.

Ano ba ang ibig sabihin ng love language? Ang love language ay ang tawag sa kung paano natin mas nararamdaman ang pagmamahal ng isang tao sa paraang pinaka-na-appreciate natin depende sa ating personality. Kung hindi mo pa alam ang love language ng mahal mo, basahin mo ang blog na ito hanggang dulo.

Anu-ano ang mga uri ng love language at ang meaningful na regalo ayon dito?

1. Quality Time

Ito ang pangunahing love language ng mahal mo kung mas gusto niya na walang istorbo kapag magkasama kayong dalawa. Walang cellphone o kahit anong distraction. Gusto ng mahal mo na nasa kanya lang ang iyong atensyon kapag magkasama kayo. At nagdaramdam siya kapag palagi kang tumitingin sa phone mo, may ibang kausap,  biglang na-cancel na date, o hindi ka tumupad sa usapan na magkikita kayo dahil nararamdaman niyang hindi siya mahalaga sayo kapag ganoon.

Para sa kanya, mahalaga ang oras na magkasama kayong dalawa. Ang pinakamagandang regalo ay ang oras mo. Kaya kung ito ang love language ng partner mo, makasama ka lang niya sa isang romantic na lugar tulad ng simpleng paglalakad o picnic sa tabing dagat, sa park, star gazing, o kahit simpleng candle light dinner at slow dancing sa loob ng bahay, napasaya mo na sya! Basta’t nasa kanya lang ang atensyon mo at masaya kayong magkasama.

2. Receiving Gifts

Ito ang pangunahing love language ng partner mo kung mahilig sya sa mga bagay na may sentimental value. Hindi ibig sabihin nito ay materialistic siya. Mas naa-appreciate lang niya ang isang thoughtful o meaningful na regalo kahit ito ay maliit o simple lang.

Halimbawa ay couple shirt, picture frame, relo, panyo, unan, etc. Kung gusto mo naman siyang bigyan ng bulaklak, siguradong mas maa-appreciate niya kung ikaw mismo ang nag-effort na magtanim at mag-ayos ng bouquet na ibibigay mo sa kanya kaya’t habang maaga pa, simulan mo nang magtanim ng bulaklak para makatipid ka na sa pera, mas mapapalapit pa ang loob mo sa kanya. Kung gusto mo siyang bigyan ng chocolate, hindi kailangan ng branded. Pwedeng ikaw mismo ang magtimpla ng chocolate at maghulma sa disenyong alam mong magugustuhan niya.  

3. Physical Touch

Ito ang pangunahing love language ng iyong partner kung mahilig siyang makipag-holding hands at umakbay sayo. Ibig sabihin nito, mas nararamdaman niya ang connection ninyong dalawa sa pamamagitan nito pero hindi ibig sabihin ay magkaroon kayo ng matinding public display of affection. 

Kung ito ang love language niya, siguradong magugustuhan niya kung bibigyan mo siya ng masahe pagkatapos ng trabaho. Kaya kung hindi ka pa marunong magmasahe, pag-aralan mo na. Magandang bonding din ito para sa inyong dalawa.

4. Words of Affirmation

Ito ang pangunahing love language ng iyong mahal kung gusto nyang palaging naririnig mula sa iyo ang mga salitang “Mahal kita.” “Miss kita,” at iba pang mga pagpuri sa kanya tulad ng “Ang ganda/gwapo mo.” Mahalaga sa kanya kung ano ang mga sinasabi mo. Sa pamamagitan ng mga salita, mas nararamdaman niya na mahal mo siya dahil nabibigyan mo siya ng kasiguruhan o reassurance na mahal mo at tanggap mo talaga siya. Iwasang laitin ang iyong partner dahil siguradong masasaktan siya at mahirap niyang makalimutan ang mga sasabihin mo sa kanya.

Isang tula o awit na iyong nilikha ang siguradong makakapagpasaya sa kanya. Kahit hindi ka isang makata, maa-appreciate niya ang effort mo na gumawa ng tula para sa kanya. Kung hindi mo talaga kayang gumawa ng tula o kanta, pwede ka namang sumulat ng love letter. Pwede rin naman kayong magkwentuhan at sabihin mo sa kanya kung paano mo siya nagustuhan at ano ang mga bagay na naa-appreciate mo sa kanya. 

5. Acts of Service

Ito ang pangunahing love language ng iyong minamahal kung mas naa-appreciate niya ang iyong mga ginagawa para matulungan siya kaysa sa mga mabubulaklak na salita.

Halimbawa ay ipinagluto mo siya, ipinamalengke, tinulungan mo siyang maglinis ng bahay, magkumpuni ng mga sirang gamit, maglinis ng sasakyan, o anumang maitutulong mo sa kanya para mapagaan ang trab aho niya sa araw-araw. Siguradong mas magugustuhan niya kung hindi niya inaasahan ang gagawin mo para sa kanya tulad ng breakfast on bed, naipaghanda ng panligo, naipaglinis ang bahay bago siya gumising. Tiyak na mas may oras na rin siya para sa inyong dalawa. 

Tandaan na hindi lamang sa Valentine’s Day dapat maging sweet sa iyong partner. Mahalaga na araw-araw mong maipadama sa kanya ang iyong pagmamahal habang may pagkakataon pa. Hindi praktikal na gumastos nang higit sa iyong income para lang sa isang araw na celebration kaya maging creative tayo sa pagpapahayag ng ating pag-ibig ayon sa personality ng ating mahal. Isaalang-alang natin ang future na mga gastusin para hindi tayo magipit. 

Kung may gusto kang bilhin para sa mahal mo, tandaan na nandito lang ang Tala para sa iyo. Pwede kang mag-loan sa Tala nang hindi nalalaman ng mga kakilala mo na ginamit mo ito para pandagdag sa pang-regalo at pang-date mo. We wish you love, ka-Tala!