Ipon Tips by parent for kids

Kahanga-hanga ang mga batang marunong mag-ipon sa murang edad pa lamang. Dito nakikita na mayroon silang mabubuting magulang na gumagabay sa kanila para lumaki silang responsable at may kamalayan sa tamang paggamit ng pera. 

Kinagiliwan ang social media post ng isang tatay na si Ulysses Santillan dahil sa picture ng kanyang eight years old na anak na nakapag-ipon ng P2800 sa loob lamang ng isang taon.

Nagsimula noong January 2020 ang pag-iipon ng batang si Gio Urie Santillan. Lahat ng sukli na ibinibigay ng kanyang ama ay inilalagay niya kaagad sa kanyang alkansya. Bukod dito, nagtatabi rin siya ng tirang pera mula sa kanyang allowance. 

Pagdating ng December 2020, wala pang planong buksan ang alkansya ngunit mayroong hiling si Gio para sa kanyang birthday. Gusto niyang magkaroon ng bagong remote control car kaya binilang nila kung magkano na ang naipon. Nang malaman ang halaga ng naipon ni Gio, naisip ng kanyang mga magulang na itabi muna ito para mapaghandaan ang kanyang paglaki at makabili ng mas mahahalagang bagay para magamit niya.

Sa umpisa ay nalungkot si Gio pero naintindihan naman niya dahil mayroon pa naman siyang isang remote control car na pwede niyang paglaruan kaya hindi na niya kailangang bumili ng bago.

Ngayon ay 9 years old na si Gio. Ayon sa kanyang daddy, tuturuan nila si Gio na ituloy ang pag-iipon para matuto, madisiplina, mabigyan ng kahalagahan ang pera, at huwag maging maluho. Sa katunayan, may bago na naman siyang alkansya at nagsimulang mag-ipon ulit noong January 2021. Plano ng kanyang mga magulang na i-save sa banko ang mga naipon ni Gio ngunit dahil may pandemic pa ay hindi muna nila ito madadala sa banko.

Nang tanungin kung gaano kahalaga para sa magulang na makapag-ipon ang kanilang anak, ayon sa ama ni Gio, “Mahalaga ito kasi hanggang sa paglaki nila, makasasanayan nila ang pag-iipon. Kasi isang magandang halimbawa ito sa bata kapag natutuo sila sa disiplina ng pag-iipon, magagamit din nila ito, maituturo nila sa kanilang anak. At pagpapahalaga sa pera. Kung siya ay matututong mag-ipon, mahalaga ang hindi basta gagamitin ang pera sa walang kabuluhang bagay. Sa Biblia, mababasa sa Kawikaan. 22:6 na turuan mo ang bata para kapag nakalakihan niya, hindi nya hihiwalayan.”

Mayroon namang payo ang ama ni Gio para sa mga magulang na gustong matutong mag-ipon ang kanilang anak.

“Ang mapapayo ko po sa ibang magulang, i-guide nila ang anak nila habang bata pa, turuan nila ng wastong pag-iipon. Lagi nilang tuturuan kung paano ang pagpapahalaga sa pera. Dapat desedido ang bata sa pag-iipon. Dapat i-push ng magulang ang pagga-guide sa bata. Kumbaga hindi dapat pigilan, tuluy-tuloy pa rin para habang sila ay lumalaki, nakakasanayan nila ang pag-iipon. Kahit na maliliit na halaga lang yun, pag pinag-samasama po iyon eh lalaki po iyon, kahit pa-piso piso.”

Para naman sa mga magulang na kumukuha ng pera mula sa iniipon ng anak, ito ang payo ng daddy ni Gio, “Minsan nabubuksan ang alkansya. Kung kumuha man, palitan kung magkano ang halagang kinuha o kaya ay dagdagan. Pag kumuha ako ng 20 pesos, dadagdagan ko na lang. Gagawin kong 30, 40 or 50. Mawawalan ng interes na mag-ipon yung bata pag nalaman niya na kinuha ng magulang ang ipon niya.”

Ayon naman kay Gio, nais niyang maging doktor paglaki niya kaya willing siyang mag-ipon para sa kanyang pag-aaral. Mahilig siyang magbasa araw-araw ng mga libro tulad ng almanac, history, dinosaur books, at learning modules. Kaya ang kanyang mga maiipon ay gagamitin niya sa development ng kanyang kaalaman para matupad niya ang kanyang pangarap.

Inspiring, diba? Kaya mahalaga na bata pa lang ay matuto na sa pag-iipon para paglaki nila ay mayroon silang magagamit na pondo. Ito ay isang magandang bonding ng magulang at anak. Nagtuturo ito ng disiplina, pagpapahalaga sa pera, at paghahanda para maabot ang goals sa buhay.