Back to main page

How To Live Debt Free: Confessions of an Utangera

Normal lang mangutang pero siguraduhin mo rin na kaya mong bayaran.

Ka-Tala, may utang ka rin ba sa ibang tao, sa banko, 5-6, loan sa gobyerno, dental braces, kotse, motor, gadgets, appliances, tuition fee, atbp? Gaano katagal mo nang hindi nababayaran dahil sa palagay mo ay kulang ang kinikita mo buwan-buwan? Naranasan mo na bang magtago sa naniningil sayo dahil wala kang pambayad?

Alam mo ba na ang water bill, electricity bill, postpaid load, at internet bill ay considered din na utang? Bakit? Kasi nagamit mo na muna ang kanilang serbisyo bago ka magbabayad kaya buwan-buwan, may utang ka talaga.

Hindi ka nag-iisa, ka-Tala. Ramdam kita! 

Mahirap talagang makaahon kapag maraming binabayaran. Na-realize ko na kung gusto kong maging financially healthy, dapat bayaran ko muna ang lahat ng aking utang na nagpapabigat ng aking kalooban at gabi-gabing umuusig sa aking konsensya.

Nakakahiyang aminin pero dumating na ako sa puntong gusto ko nang isanla at ibenta ang mga gamit sa bahay dahil sinisingil na ako sa utang ko na nagkakahalaga ng P60,000. Imagine, at the age of 20, may ganoon na akong kalaking utang. 

Anong nangyari sa akin? Nag-invest kasi ako sa isang networking company at inutang ko lang sa kamag-anak ko ang perang pinang-invest ko. At pinag-invest ko rin siya dahil buong akala ko ay madali lang kumita pero nagkamali pala ako. Nalugi ako. 

Sobrang na-stress ako sa pangyayaring iyon. Pera na, naglaho pa. Sana pala bumili na lang ako ng laptop para nakapag-sideline pa ako sa online job. Siguradong may sweldo pa ako.

Sa kabila ng pagkalugi ko, nangako ako sa pinagkakautangan ko na unti-unti ko siyang babayaran kahit hindi na raw niya ako sisingilin dahil naunawaan naman niya na ganun talaga kapag business, minsan nalulugi. Bilang isang may dignidad na tao, naging committed pa rin ako na maibalik sa kanya ang pera niya. Ayaw ko kasing dumating ang panahon na masumbatan ako dahil sa pagkakamali ko.

Bukod sa utang ko sa kamag-anak, may mga bills din akong binabayaran, may pamilyang sinusustentuhan, at iba’t ibang loan pa.

Good news! Nabayaran ko na ang ibang obligasyon ko at masarap talaga sa pakiramdam kapag nakatapos kang magbayad ng utang. Napakaginhawa! At nakaka-proud!

Kaya narito ako para bigyan ka ng 9 tips kung paano makakabayad ng utang, ka-Tala! Paalala lang, itago ang resibo para may katibayan na nakapagbayad ka talaga. Kung kaya ko, kaya mo rin yan! Basta magkaroon lamang ng disiplina sa paghawak ng pera. 

  1. MAGHANAP NG SOURCE OF INCOME

Honestly, ang unang ginawa ako ay naghanap ako ng matinong trabaho. Yung mayroong fixed income na above minimum. Nagkaroon din ako ng sideline para kung kulangin man, may iba pa akong paghuhugutan. Mas mabuti nang may paghuhugutang extra income kaysa humugot sa social media kung bakit ka niya iniwan! Oops… haha!

  1. TIGHT BUDGET

Umiiwas ako sa pagbili ng mga luho kasama na jan ang sosyal na kape, add to cart, gala, sine, concert, unli rice, samgyup, pagpapasalon nang walang event, at bisyo. Tinitipid ko muna ang sarili ko para hindi ko ma-experience ang critical wallet day habang nagbabayad ako ng utang. Bayad-utang muna bago mag feeling-blessed, ka-Tala!

  1. ALLOCATION OF FUNDS

Dahil alam ko na kung magkano ang sweldo ko tuwing kinsenas at katapusan, matic na sa akin na i-compute ang halaga na dapat kong ipambayad sa utang, dapat gawing budget, at dapat gawing ipon. Anumang wala sa listahan ng mga obligasyon ko, hindi ko na paglalaanan. Parang sa relasyon din yan. Kung hindi mo priority, wag mo nang landiin. Boom!

  1. DAILY BUDGET ENVELOPE 

May tig-iisang envelope para sa budget araw-araw at sa mga bayarin ko. Bawat envelope ay mayroong label kung para saan ang perang ilalagay ko dito. Strikto kong sinusunod na ang gagastusin ko lang ay kung magkano ang nakalagay sa budget envelope ko per day. Halimbawa, P200 per day. Yan lang ang pwede kong gastusin sa isang araw. At ilalagay ko sa iba pang envelope na ang label ay pangalan ng aking mga pinagkakautangan. Oh, di ba? Mahalaga talagang may label para malinaw!

  1. MAG-IPON PA RIN HABANG NAGBABAYAD NG UTANG

Yes! Mahalaga pa rin ang mag-ipon para makaiwas na mabaon na naman sa panibagong utang kung sakaling magkaroon ng emergency. Namumulot ako ng barya sa daan at nilalagay ko sa coin bank ang lahat ng sukli. Sa paglipas ng panahon, nakaipon ako kahit paunti-unti. Okay lang mag-effort para sa iba pero huwag mong kalimutang mahalin din ang sarili mo, ka-Tala!

  1. JACKPOT!

Kung marami kang pinagkakautangan o kaya’y malaki ang halaga ng iyong utang, samantalahin mo nang bayaran yan kapag naka-jackpot ka ng cash prize, may bonus sa trabaho, malaking tip, o tax refund. Mas mabilis mawawala ang stress kapag maaga pa lang binayaran mo na. Parang kapag nahuli mong niloloko ka lang ng jowa mo, tapusin mo na agad ang relasyon ninyo para di ka na ma-stress, ka-Tala! Wag nang patagalin pa.

  1. UNAHING BAYARAN ANG MAY PINAKAMALAKING INTEREST RATE NA MALAPIT ANG DEADLINE

Para hindi mabaon sa utang, bayaran muna ang loan na pinakamalapit ang deadline at malaki ang interest rates. Ito ay isang commitment na walang atrasan dahil hangga’t hindi mo ito binabayaran, palaki nang palaki ang iyong utang. Kahit na magtago ka pa, kakalabanin ka pa rin ng iyong konsensya. Tulad noong na-ghost mo siya o noong na-ghost ka niya. Kailangan agad ng closure para maka-move on ka na, di ba?

  1. SUCCESS? NEXT!

Tapos mo na bang bayaran ang ni-loan mong cellphone? Congrats! Wag ka munang umutang ulit ng bagong gadget sa store na yun kung hindi mo naman kailangan ah. Ang ginawa ko dati pagkatapos kong magbayad ng P1500 na hulog ko sa phone kada-buwan, idinagdag ko ang same amount na iyon na pambayad sa iba pang utang. Sa ganitong paraan, mas mabilis tapusin ang iba pang babayaran. Parang kapag natagpuan mo na ang iyong true love at mahal ka rin niya, i-level up na yan! Sana all. 

  1. UTANG TRACKER

Nagkaroon ako noon ng listahan ko ng lahat ng aking expenses kasama na ang bills at loans para malinaw kong makita ang aking goal. Maaari ka ring gumawa ng katulad nito:

Hindi masamang mangutang. Pero kapag nangutang ka, huwag ilista sa tubig, ka-Tala! As much as possible, bayaran na kaagad para maging maganda ang iyong record sa pinagkakautangan mo. Malay mo, pautangin ka ulit kapag nangailangan ka. 

Huwag magtago sa pinagkakautangan. Dapat, kung gaano kalakas ang loob mo noong nangungutang ka, ganoon din kalakas ang loob mong magbayad. Tandaan na hindi lamang perang inutang ang nakasalalay dito. Kapag pinautang ka ng pera, ibig sabihin ay ibinigay din sayo ng pinagkautangan mo ang kanyang tiwala sayo. Kaya magbayad sa tamang oras at gumawa ng tamang diskarte para hindi ka masira sa iba.


Tala is operated by Tala Financing Philippines Inc., a licensed financing company with SEC Registration No. CS201710582 and Certificate of Authority No. 1132. Always study the terms and conditions and the disclosure statement before proceeding with any loan transaction.

Share this article now: